Taytay supercross kakasa na!
Mula sa Kaliwa: Elgene Cruz Marketing Manager ng Xtreme Adrenaline Sports, Jo Silva ngDiamond Motor Corporation, at Sam Tamayo ng Generation Congregation.
Kaabang-abang ang muling paghaharap nina elite rider Glenn Aguilar at Davao bet Bornok Mangosong sa 2017 Diamond Motor Supercross na gaganapin sa Mx Messiah Fairgrounds, Taytay, Rizal.
Inaasahang titindi ang tensyon sa pagitan nina Aguilar at Mangosong sa pagsungkit ng titulo simula March 4.
Naghihintay ang tumataginting na P50,000.00 para sa mananalo sa limang serye ng Pro Open Production samantala mag-uuwi ng P20,000.00 at P10,000.00 ang papangalawa at papangatlo sa banner category ng buong karera.
“Excited kami na palaguhin ang isport habang nabibigyan ng pagkakataon ang bawat rider na maipakita ang kanilang potential. Ito ay para sa pagmamahal namin sa motocross at para sa Diyos,” sabi ni Samuel Mark Tamayo, race director ng karera.
Hindi din magpapahuli ang mga chikiting sa labanan sa PW 50cc, 65cc, 85cc at Yamaha One Make Race PW50.
Ilan pa sa mga kategorya na sasalihan ay ladies, open underbone, open local enduro, amateur open, executive open at veterans open. Ang tatanghaling overall champ sa amateur categories ay may iuuwing P5,000.00.
Ang serye na pangungunahan ng Generation Congregation Nation ay tatakbo mula March 4, March 25, April 29, May 13 hanggang May 27. Maliban sa karera ay may battle of the bands na bukas sa madla mula leg 1 hanggang leg 4.
Ang nasabing bakbakan ay suportado ng Diamond Motor Corporation kasama ang Dunlop Tires, Tireshakk, Yamaha Motor Philippines, Go Pro Philippines, PTT Philippines Corporation, DC Shoes Philippines, Coffee Grounds Taytay at Xtreme Adrenaline Sports Entertainment Co.
Comments